Thoughts & Poetry

Obra ni Maria 02 – Nilimot Ko Na

Nilimot ko na
Ang kislap sa iyong mga mata
Kapag ika’y kasama, tumatawa
Masaya.

Nilimot ko na
Ang mga sandaling tayo’y magkatabi
Sa sasakyan mo noong mga gabing
Iniisip kong pwedeng maging tayo.

Nilimot ko na
Yung gabing biglang ayokong bumaba
Dahil gusto pa kitang makausap,
Makasama.

Yun ang gabi na nag usap tayo
Ng mga plano mo at gusto
Ang gabi na tinapat kita sa mga bagay
Na kinatatakutan ko.

Natakot ako.

Dahil yun ang gabi na kahit balot na balot ako
Pakiramdam ko hubo’t hubad ako.
Yun ang gabi na masasabi kong
Naging pinaka totoo ako.

Nilimot ko na
Yang gabing yan na naramdaman kong
Ikaw pala ang gusto kong makasama
Ayoko ng mga bagay na gusto mo
Bago pa kita makilala

Pero,
Nakalimutan ko na
Ang mga bagay na pilit kong sinasabing
Hindi ko gusto
Sapagkat sa’yo…
Lahat pala ay gagawin ko,
Kakayanin ko.

Pero,
Nilimot ko na
Lahat ng naramdaman ko
Pinipilit ibaon hanggang sa dulo ng dulo.
Dahil kung kelan handa na pala ako
Sa lahat ng gusto mo,
Ako naman ang kinalimutan mo.

— Image credit Krissie Bedaña ❤

Leave a Reply